Baka sakaling sa isang mahimbing na pagtulog ay matutunan ng panahon na makalimot.
Baka sakaling sa isang gabi ng pagsusunog ng kilay ay matutunan ng utak na makaintindi.
Baka sakaling sa isang kisapmata'y maglaho ang pighati na dumadagundong sa pusong nananahimik.
Ngunit baka sakali ring sa isang iglap lang mawaglit ang ala-ala ng nagbabadyang pagpatak ng luha.
Baka sakaling tanging pagsibol ang tila hinahanap-hanap ng mugtong mga mata
Baka sakaling tanging pag-iintindi ang nais ng nagsusumigaw na ala-ala.
Baka sakaling tanging panaghoy ng balintataw ay ang nagpupumilit magpakita
Ngunit baka sakali namang tanging pagtighaw ng saloobin ang nais ring matamasa.
Baka sakaling naibahagi na ang di-mawaring kabuuan
Baka sakaling mistulang tikom na lamang ang kalakasan
Baka sakaling lumipas na ang tatag ng noo'y buo pang kakayahan
Ngunit baka sakaling bukas-isip at unti-unti nang maglaho ang pagsasadulaan
Marahil, sa dapit-hapo'y malaman ang hinagpis ng nakaraan
Marahil, takipsilim ang tagapagsaad ng mga diumano'y nabaon na sa limot
Marahil ay lumiban ang pangako ng bukang-liwayway
Marahil ay sa madaling araw manumbalik ang natatanging katotohanan
Dahil baka sakaling maaari pang tuklasin ang bikas ng kakulangan
At baka naman sakaling huwego lamang ito na 'di maiwas-iwasan
Ngunit baka sakaling inaantabayanan lamang ang pag-usbong ng kamalayan
O 'di kaya'y nais nang isakatuparan ang di-inaasahang katotohanan.
Marahil ay tapos na ang panahon na katuwang ng paghihintay
Baka sakaling hanap na ng kalakaran ang pagkakawalay
Hanggang kailan ang libangan na tila nakasanayan na
Na tila di kailanma'y maisantabi ng gunita?
Hindi mapalagay ang nababagabag kong diwa
Walang paubayang pagsalat ang tangan ng panhunab
Sa pag-ikot ba ng orasan ay maparam ang lipon ng mga palagay?
Marahil.
Maari.
Baka sakali.
No comments:
Post a Comment